Mensahe ng mga Nakapiit na Consultant ng NDFP sa Assembly for Peace

Kapatid – Families and Friends of Political Prisoners
January 17, 2020

Mula sa mga piitan, kaming mga Consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay nagpapaabot ng mainit na pagbati sa mga namuno sa pagdaraos ng pagtitipong ito: Philippine Ecumenical Peace Platform, Pilgrims for Peace, at Kapayapaan Campaign for a Just and Lasting Peace.

Karapat-dapat purihin ang inyong pagsisikap na muling maipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng gobyernong Duterte at NDFP.

Pormal na tinapos ng gobyernong Duterte ang negosasyong pangkapayapaan sa ikalawang pagkakataon noong Nobyembre 2017. Alinsunod sa mga utos ng kanilang pinunong kumander, lalong pinatindi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang mga operasyon nila laban sa Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA) sa mga larangang gerilya nito sa kanayunan.

Pinatindi rin nila ang mga pagpatay, pag-aresto at pagpapakulong sa mga pinuno at aktibista ng nga ligal na progresibong organisasyon ng mga manggagawa, magsasaka, guro, kawani, abogado, mamamahayag at maging mga elemento ng taong simbahan na pawang inaakusahang tagapagtaguyod ng CPP-NPA. Noong maagang bahagi ng 2019, alinsunod sa kanyang Executive Order No. 70, itinatag ni Duterte ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa ambisyosong layunin na tapusin ang CPP-NPA sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan.

Hindi iilan ang nagulat nang inanunsyo ni Duterte noong unang linggo ng Disyembre 2019 na pinapunta niya si Sec. Silvestre Bello III sa Netherlands para makipag-usap kay Kasamang Jose Ma. Sison, NDFP Chief Political Consultant, tungkol sa muling pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan. Ang ginawang ito ni Duterte ay pag-amin niyang hindi malilipol ang CPP-NPA bago matapos ang kanyang panunungkulan. Naoobliga rin ang rehimeng Duterte na muling ipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan dahil sa tumitinding krisis sa ekonomiya at pulitika.

Patuloy na sumisidhi ang krisis sa malapiyudal at malakolonyal na lipunan na siyang ugat na dahilan ng armadong tunggalian. Patuloy ring lumalaban ang mamamayan sa kabila ng marahas na panunupil at panlilinlang ng rehimeng Duterte. Bigo ang EO 70 at ang diumano’y “whole of nation approach” nito na pigilin ang pakikibaka para sa tunay na kalayaan, demokrasya at katarungang panlipunan.

Itinataguyod namin ang desisyon ng NDFP na harapin ang gobyernong Duterte sa negosasyong pangkapayapaan sa kabila ng marahas at madugong mga atake ng rehimeng Duterte sa mga rebolusyonaryong pwersa at sa mamamayan.

Kung seryoso ang gobyernong Duterte sa negosasyong pangkapayapaaan, dapat kilanlin at igalang nito ang mga kasunduang napagtibay ng GRP at NDFP, kabilang dito ang The Hague Joint Declaration, Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), at Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Kung matutupad, makakatulong nang malaki ang mga kasunduang ito sa pagsugpo sa malulubhang paglabag sa mga karapatang pantao ng AFP at PNP.

Kung seryoso ang rehimeng Duterte sa muling pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan, kailangang ipagpatuloy ang nasimulan nang pagbalangkas sa mga saligang repormang panlipunan at pang-ekonomiya. Napagkaisahan ding ipamamahagi hindi lamang mga lupaing publiko kundi pati mga asyenda ng mga panginoong maylupa. May mga probisyon ding napagkasunduan tungkol sa suportang pinansyal sa mga pangangailangan sa pagsasaka at pagbabawal sa mga pagbebenta ng lupang ipinamahagi upang mapigilan ang rekonsentrasyon ng mga lupa matapos ang ilang taon.

May mahahalagang napagkaisahan din ukol sa pambansang industrilisasyon at pagpapaunlad sa ekonomiya. Kailangan ang pambansang industrilisasyon upang makamit ang matagalang pagpapaunlad ng ekonomiya at patuloy na dumami ang trabaho.

Mahalagang tukuyin ang malalaking hadlang sa pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan. Ang una ay ang mga militarista—mga retiradong heneral na nasa Cabinet at mga kasalukuyang pinuno ng AFP at PNP. Sa simula pa lamang ng pag-uusap ay tinutulan na nila ang unilateral ceasefire at mabigat ang loob na sumunod sa utos ni Duterte. Iginiit nina National Security Adviser Hermogenes Esperon, DND Secretary Delfin Lorenzana at DILG Secretary Eduardo Año ang pagdaraos na lamang ng mga lokal na usapang pangkapayapaan at tinutulan ang tuwirang pakikipag-usap sa NDFP.

Nitong huli, ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) ay kinondena ni Gen. Carlito Galvez, Presidential Adviser on the Peace Process. Sinabi niyang paso na ang balangkas ng CASER, hindi ito makakatulong sa mamamayan, at ito ay isang kataksilan sa bayan.

Lubos kaming nakikiisa sa tugon ng tagapangulo ng NDFP Reciprocal Working Committee on Social and Economic Reforms laban sa mga atake nina Esperon at Galvez sa usapang pangkapayapaan at sa CASER at balangkas ng The Hague Joint Declaration. Malinaw at mahinahong nagpaliwanag ang NDFP at pinabulaanan ang pambabaluktot, kasinungalingan, at paratang ng mga militarista ni Duterte. Lalo lamang inilantad nina Esperon at Galvez ang kanilang mga luma at pasong kaisipan noong Cold War pa.

Tahimik si Duterte tungkol sa mga pahayag sa publiko ng mga militaristang laban sa muling pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan sa NDFP. Subalit paulit-ulit namang iginigiit na kailangang mag-usap muna sila ni Jose Ma. Sison nang harapan dito sa Maynila bago makausad ang negosasyon, nang walang ibang garantiya sa kaligtasan ng una liban sa di-mapagkakatiwalaang salita ng huli.

Wastong tinukoy ni Jose Ma. Sison na ang panukala ni Duterte ay alinman sa isang bitag o di kaya ay gagamiting dahilan para muling tapusin ang negosasyon.
Mahalaga para sa NDFP na igiit ang negosasyong pangkapayapaan ay gawin sa isang neutral third country. Ayaw ng NDFP na maulit ang karanasan nito sa negosasyon noong 1986–1987.

Pinakahuli, hindi dapat mag-alala na kapag hinarap ng NDFP ang gobyernong Duterte sa negosasyong pangkapayapaan ay mapapabango nito ang sarili. Mananatili ang katayuan ng rehimeng Duterte kung magpapatuloy ang mga paglabag sa mga karapatang pantao at hindi nalulutas ang mga saligang suliraning panlipunan at pang ekonomiya.

Matuloy man o hindi ang usapang pangkapayapaan, makakaasa kayong patuloy kaming matatag na makikiisa sa inyo sa pakikibaka para sa isang tunay, makatarungan at matagalang kapayapaan.

Leopoldo Caloza
Rey Casambre
Ferdinand Castillo
Frank Fernandez
Renante Gamara
Vicente Ladlad
Cleofe Lagtapon
Eduardo Sarmiento
Adelberto Silva
Esterlita Suaybaguio
Alex Birondo
Winona Birondo