I. Istorikal na Pagbalik-tanaw
Mahigit tatlumpung taon nang umiiral sa ating bayan ang digmaang sibil. Noong 1968-69, halos magkasabay na nagdeklara ang Communist Party of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA) at ang Moro National Liberation Front (MNLF) ng mga armadong paghamon sa kapangyarihan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Noong 1972, ginamit ni Marcos ang diumanong “rebelyon mula sa Kaliwa at sa Kanan” bilang dahilan o katwiran para sa pagdeklara ng batas militar. Pero sa katunayan, ipinataw ni Marcos ang pasistang diktadurang pahahari para panatilihin ang sarili sa kapangyarihan at supilin ang protesta at paglaban ng mamayan para sa kanilang kapakanan at mga karapatan.
Hindi nagawa ng buong lakas ng estado maging sa rurok ng lakas ng diktadura na supilin ang paglaban ng mamamayan. Bagkus, ang panunupil ng estado ay tinugunan ng mamamayan ng mas matibay at mas malakas na paglaban. At sapagkat inianak ng diktadura ang higit pang pagkatuta sa dayuang interes, mga katiwalian at korupsyon sa gobyerno, at pang-aabuso ng mga pasistang militar, higit pang tumindi ang pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan. Ang hindi na mabatang pagsasamantala at pang-aapi ang nagtulak sa parami nang paraming mamamayan na tumutol at lumaban, kapwa sa armado at di-armadong mga paraan.
Kapwa lumakas, lumaki, lumaganap at tumindi ang pakikipaglaban ng CPP-NPA-NDF at ng Bangsa Moro sa Gobyerno ng Republika ng Pilipinas. Kaalinsabay, ang pagtindi ng krisis at ang kasakiman ng mga naghaharing paksyon ng mga reaksyunaryo ang nagpalalim at nagpalaki sa bitak sa hanay ng mga naghaharing uri. Hanggang namuo ang makapangyarihang anti-pasistang daluyong na nagpabagsak sa diktadurang Marcos.
Sa ilalim ng humaliling administrasyong Aquino, idinaos noong Disyembre 1986-Enero 1987, sa kauna-unahang pagkakataon, ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno (GRP) at ng National Democratic Front (NDF). Pero nabahura ito sa pag-uusap hinggil sa mga teknikalidad ng seguridad at tigil-putukan. Kagyat itong gumuho matapos ang Mendiola Massacre ng Enero 22 kung saan 27 magbubukid ang napatay nang pagbabarilin ng mga tropa ng gobyerno ang mga magsasakang mapayapang nagpapahayag ng kanilang lehitimong mga hinaing at kahilingan sa harap ng Malacanang.
Noong 1990, nagmungkahi ang NDF na muling buksan ang negosasyong pangkapayapaan, subalit hinadlangan ito ng mga militarista sa gobyerno sa pangunguna ni Hen Fidel V. Ramos, na naggiit na dapat munang magkaroon ng tigil-putukan at magsalong ng mga sandata ang mga NPA bago muling buksan ang negosasyong pangkapayapaan.
Kaya’t maraming nagulat nang ihayag ni Ramos, sa kanyang Inaugural Address matapos mahalal na Pangulo noong 1992, ang patakarang itulak ang negosasyong pangkapayapaan sa mga armadong grupong lumalaban sa gobyerno, kabilang ang NDF, ang MNLF at MILF, at ang RAM-SFP-YOU. Nagbunga ito ng kagyat na kasunduan sa pagitan ng GRP at RAM noong Disyembre 1992, at ang Kasunduan sa pagitan ng GRP at MNLF noong 1996. Itong huli ang nagbunsod ng pagkakabuo sa ilalim ng GRP ng SPCPD sa pamumuno ni Nur Misuari, ang pinuno ng MNLF.
Hindi kataka-taka ni kagulat-gulat ang kasunduang GRP-RAM-SFP-YOU. Mula’t mula’y kinikilala at nagpapailim ang mga rebeldeng militar sa Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas at sa prinsipyong ang AFP ang tanging lehitimong armadong pwersa.
Hindi rin kataka-taka ang kasunduan sa pagitan ng GRP at MNLF dahil noong 1974 pa lamang, tinanggap na ng MNLF ang tagubilin ng OIC na dapat lutasin ang sigalot sa Mindanao sa balangkas ng Konstitusyon at mga batas ng GRP. Sa Kasunduang Tripoli ng 1976, pumayag ang MNLF na ipatupad ang “pang-rehiyong awtonomiya” sa balangkas ng Konstitusyon ng GRP, na taliwas sa dating ipinaglalaban nitong isang Bangsa Moro na malaya at hiwalay sa Republika ng Pilipinas. Hindi ito naging katanggap-tanggap sa isang bahagi ng MNLF sa pamumuno ni Hashim Salamat. Paglaon, noong 1984, humiwalay sa MNLF ang bahaging ito at itinayo ang Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Kung ikukumpara sa negosasyon ng GRP sa RAM at MNLF, higit na naging mabagal, atras-abante at masalimuot ang negosasyong GRP-NDF. Noong 1992, inihayag ang “The Hague Joint Declaration” sa pagitan ng GRP at NDF na nagtatakda ng layunin, balangkas, mga pamamaraan at substantibong agenda ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang panig.
Malinaw na isinaad sa Deklarasyon na pangunahin at ultimong layunin ng negosasyon ang resolusyon ng armadong labanan sa pamamagitan ng pagharap at paglutas sa mga ugat nito. (Note: in contrast, tinangkang igiit ng GRP bilang ultimong layunin ang “paglutas o pagharap sa mga ugat ng armadong labanan sa pamamagitan ng mapayapang paraan.”)
Inilinaw rin na ang balangkas ng negosasyon ay ang mga prinsipyong katatanggap-tanggap sa dalawang panig tulad ng demokrasya, pambansang soberanya at katarungang panlipunan. Ibig sabihin, hindi ipapataw ng alinmang panig ang sarili nitong Konstitusyon at mga batas sa kabilang panig. Nangangahulugan din itong hindi dapat magkaroon ng mga paunang kundisyong taliwas sa likas na katangian ng negosasyon kung saan magkapantay at magkatimbang ang dalawang panig. (cf GRP framework: GRP Constitution and legal processes)
Bagamat mabagal at masalimuot ang proseso, nakamit ng GRP at NDF ang ilan pang mahahalagang kasunduan sa mga pamamaraan (o tinatatawag na “modalities”) ng negosasyon. Tampok dito ang JASIG, ang Ground Rules of the Formal Meetings, at ang Formation, Sequence and Operationalization of the RWCs. Nagsimula ang Pormal na Usapan noong Hunyo 1995, bagamat noong Hulyo 1996 na lamang nagsimula ang aktwal na usapan hinggil sa unang substantibong agenda, ang paggalang sa Karapatang pantao at sa Internasyunal na Batas Pantao (International Humanitarian Law).
Matapos ang halos dalawang taon na negosasyon, nilagdaan ng dalawang panel noong Marso 16, 1998 ang “Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang ng mga Karapatang Tao at sa Internasyonal na Makataong Batas” (Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, o CARHRIHL). Kagyat itong inaprubahan ni Mariano Orosa, Tagapangulo ng NDF, noong Abril 10, 1998. Sa kabilang dako, hindi ito inaprubahan ni Fidel Ramos kahit may nalalabi pang panahon sa kanyang panunungkulan bilang Pangulo ng GRP. Noong Agosto 7, 1998, inaprubahan ni G. Estrada ang CARHRIHL. Pero sa halip na ipatupad ang CARHRIHL, tumanggi ang GRP na ipatupad ito batay sa pagdadalawang-isip at pagtutol nila sa ilang probisyon ng Kasunduan.
Simula lang ito ng isang serye ng paglabag ng GRP sa mga kasunduan sa NDF, na humantong sa de-facto at sa pormal na pagbaklas ng GRP mula sa negosasyon sa NDF at terminasyon ng negosasyong GRP-NDF noong Hunyo-Hulyo 1999. Tampok sa mga ito ang sumusunod:
- ang makaisang panig na pagwawalang-bisa sa JASIG noong Pebrero 24, 1999
- ang pagtutulak sa VFA na paglalapastangan sa pambansa at teritoryal na soberanya
- pagtangging repasuhin ang mga mapanupil na batas
- patuloy na paglulunsad ng malalaking opensibang militar at paggamit ng sobra-sobrang lakas ng armas sa mga ito lalo na laban sa masang magsasaka sa kanayunan
- patuloy na pagsasakdal at pag-uusig sa mga bilanggong pulitikal sa mga salang kriminal sa halip na pulitikal
- pagtannging bigyan ng indemnipikasyon ang mga biktima ng pang-aabuso sa karapatang pangao noong panahon ng batas militar
- pagdukot kay NDFP consultant Vic Ladlad kahit may bisa pa ang JASIG
Ilang buwan makalipas ang pagsasara ng negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP, de-facto ring binaklas ng GRP ang negosasyong GRP-MILF nang patraydor na nilabag nito ang mga naunang kasunduan sa MILF, at todo-todong sinalakay ang mga pwersa ng MILF at ang mamamayang Moro sa Central Mindanao noong Pebrero-Hulyo 2000. Bagamat pansamantalang tumaas ang popularidad ni Estrada sa mga di-Muslim na bahagi ng Pilipinas bunga ng mga pananalakay na ito, naging mayor na salik naman ito sa pagbulusok ng ekonomya at pagtindi ng krisis pampulitika at pang-ekonomya sa buong bayan. Kalaunan, humantong ang krisis sa pagpapatalsik kay Estrada mula sa poder.
II. Negosasyong pangkapayapaan sa ilalim ng gobyernong GMA
Ipinangako ni Gng. Arroyo, noong siya’y Bise-Presidente pa, na babaligtarin niya ang patakarang “all-out war” kapag napatalsik si Estrada at siya ang umupong Presidente. Ngayon, makaraan ang anim na buwan bilang Presidente, masasabi bang nabaligtad na ni Gng Arroyo ang patakarang “all-out war”?
Oo, nga’t itinigil na ang pambobomba at pagsalakay sa mga kampo at komunidad ng mga Muslim sa Central Mindanao, at muling binuksan ng gobyernong Arroyo ang negosasyong pangkapayapaan kapwa sa MILF at sa NDF. Nagresulta na ito sa isang kasunduan para sa tigil-putukan sa pagitan ng GRP at MILF. Nagkaroon na rin ng dalawang round na pag-uusap ang GRP at NDF sa Oslo nitong nakaraang Abril at Hunyo. Sa isang banda, pumayag na ang GRP na buuin ang Joint Monitoring Committee ayon sa CARHRIHL, at nasimulan na ang pag-uusap ng dalawang RWC hinggil sa repormang sosyo-ekonomiko. Sa kabilang banda naman, makaisang panig na nagdeklara ng recess ang GRP panel bilang pagprotesta sa pagpaslang ng NPA kay Koronel Rodolfo Aguinaldo, isang sagadsarin at kinamumuhiang kriminal at tortyurer.
Sa katunayan, walang katwiran ang pagprotesta ng GRP sa pagpaslang kay Aguinaldo. Walang tigil-putukang umiiral. Sa bahagi ng GRP, nananatili ang mga operasyon at kampanyang militar ng AFP at PNP sa lahat ng dako ng Pilipinas. Ang mga kampanyang ito ay laban diumano sa CPP-NPA pero sa katunayan, malaking paghihirap at pagkasalanta ang idinudulot nito sa masang magsasaka sa kanayunan. Hindi humuhupa, bagkus ay dumarami pa at lumalala, ang mga pang-aabuso ng mga militar at paglabag nila sa karapatang tao.
(Tingnan ang “Human Rights Violations — GMA Administration – Jan 20 – Sept 21, 2001.)
Pansinin din, halimbawa, na sa maiksing panahon ng panunungkulan ni GMA, mayroon nang mahigit 100 bilanggong pulitikal, mga biktima ng arbitraryo at ilegal na pagdakip at detensyon. Samantala, hindi pa nito pinalalaya ang lahat ng mga napatunayan nang mga bilanggong pulitikal at kung gayon inosente sa sakdal sa kanilang kriminal na pagkakasala. Sa halip na mabawasan, nadagdagan pa nga ang mga bilanggong pulitikal.
Noong Abril 24, 2001, dalawang araw bago mag-resume ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP, inatasan ni Macapagal-Arroyo ang AFP at PNP na dapat ipagpatuloy ang mga operasyong militar laban sa CPP-NPA-NDF para pahinain ito at palakasin ang pusisyon sa negosasyon ng GRP.
Higit pa, walang makikitang anumang malinaw na senyal na nais ng gobyernong Arroyo na harapin at lutasin ang mga saligang suliraning ugat na dahilan ng armadong tunggalian. Sa halip, ipinagpapatuloy nito ang parehong mga patakarang nagpapatindi sa pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayang Pilipino at nagpapalala sa krisis ng lipunang Pilipino. Pangunahin na rito ang pangangayupapa sa dayuhang monopolyo kapital, at pagtatanggol sa interes ng malalaking komprador at panginoong maylupa, samantalang binabalewala at niyuyurakan ang kapakanan at mga karapatan ng malawak na masang Pilipino. Walang-habas na ipinapatupad ang deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon. Isang resulta nito ang pagtutol na ibigay sa mga manggagawa ang hinihinging makabuluhan at sapat na P125 pagtaas ng sahod. Bagkus, ginigipit ito nang husto at nagbigay lamang ng pakitang-taong pagtaas nang P35 kada buwan.
Kamakailan, isa pang matingkad na halimbawa nito ang mistulang pagkatuta at kahiya-hiyang pag-sipsip sa US matapos maganap ang pambobomba sa US noong Set. 11. Hindi pa man hinihiling ng US, nagkandakumahog ang gobyernong GMA sa pag-alok sa US ng mga pasilidad, baseng militar at kahit mga tropang panlaban sa binabalak na pagsalakay sa Afghanistan.
III. Ilang obserbasyon, aral at kongklusyon
- • May kapayapaang makatarungan at matagalan; mayroon ding “kapayapaan” na dimakatarungan at panandalian. Ang tunay at matagalang kapayapaan ay nakabatay sa katarungan, sa paggalang sa mga karapatan ng mamamayan – hindi lamang sa karapatang pulitikal o sibil, kundi, at higit na mahalaga, sa karapatang panlipunan, pang-ekonomya at pangkultura. Tanging sa isang lipunan kung saan tinatamasa ang kalayaang pambansa at panlipunan maaaring yumabong at umunlad ang mga pundamental na indibidwal at kolektibong mga karapatang ito.
Sa buong itinakbo ng mga negosasyong pangkapayapaan, makikitang may iisang prinsipyong tumatahi sa mga patakaran at pagkilos ng GRP: ang pagkamit ng “katahimikan” o “political stability” sa pamamagitan ng pagpapahina hanggang sa pagpapasuko sa mga “rebelde”. Sa maraming pagkakataon, malinaw at lantad ito sa mga kundisyong “magbaba o magsalong muna ng mga sandata”, “magtigil-putukan muna”. Sa ilang pagkakataon, nakakubli ang layuning ito sa paggugumiit ng “natatanging pampulitikang awtoridad o soberanya” at sa paggamit ng Konstitusyon at mga legal na proseso ng GRP bilang balangkas ng negosasyon.
Hindi nito layunin ang tunay at makatarungang kapayapaan kundi ang simpleng pasipikasyon o kapitulasyon ng mga “rebelde”.
Mayor na salik sa pagpasok ng GRP sa negosasyong pangkapayapaan ang pangangailangang maibsan ang krisis pampulitika at pang-ekonomiya na patuloy na bumabatbat dito. Tahasang inihayag ni Ramos noong 1992 na kailangan ang political stability para maakit ang mga dayuhang puhunan na aniya’y kailangan para mabuhay ang ekonomya. Kaya’t kasabay nito, ipinatupad ni Ramos, tulad din nina Marcos, Aquino at Estrada, ang mga patakaran sa ekonomyang aakit sa mga dayuhang puhunan ngunit makakasalanta naman sa kabuhayan ng mamamayan, tulad ng pagpapababa sa sahod ng mga manggagawa at iba pang neo-liberal na patakaran ng globalisasyon at WTO. Hindi pumapasok sa konsiderasyon nito na ibsan ang krisis sa pulitika at ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga makabayan at maka-mamamayang mga patakaran.
• Mahalagang anyo ng pakikibaka ang negosasyong pangkapayapaan, pero hindi ito ang pinakamahalagang anyo. Hindi matatamo ang kapayapaan sa pamamagitan ng negosasyon lamang, kahit humantong pa ito sa isang kasunduan para sa pagsalong ng mga armas ng mga “rebelde”. Maaaring magkaroon ng isang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at isang armadong “rebeldeng” grupo pero magpapatuloy pa rin ang digma.
Ipinapakita ito sa buong kasaysayan ng Pilipinas, kung saan nagkaroon ng mga kasunduan sa pagitan ng naghaharing rehimen at ng mga lumalabang grupo na sa katunayan ay kapitulasyon o pasipikasyon ang katangian. (hal., ang Pact of Biac na Bato) . Sa kasalukuyan, malinaw na halimbawa ang Kasunduang Tripoli at 1996 Kasunduang GRP-MNLF na kapwa hindi nagdulot ng kapayapaan sa Mindanao at sa mamamayang Muslim, bagkus higit pang nagpalala ito sa krisis at digma, dahil hindi nito hinarap at nilutas ang saligang ugat ng armadong tunggalian: ang suliranin sa lupa at ang pang-aapi at pagsasamantala sa Bangsa Moro.
• May karahasang di-makatarungan at mayroong karahasang makatarungan. Dimakatarungan ang anumang karahasang sumusupil at yumuyurak sa mga karapatan ng mamamayan, nang-aapi at nagsasamantala sa kanila. Makatarungan ang karahasang nagtataguyod at nagtatanggol sa mga saligang karapatan at interes ng mamamayan. Makatarungan kung gayon ang karahasang bunsod ng pakikibaka para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.
• Mahalaga at mahigpit ang pangangailangan sa paggalang ng mga karapatang tao para mailatag ang batayan ng isang matagalan at makatarungang kapayapaan. Ito ang dahilan kung bakit ipinanunakala ng NDFP mula pa noong 1990 bilang unang sustantibong agenda ng negosasyon ang usapan hinggil sa paggalang sa karapatang tao at internasyunal na makataong batas. Dahil sa malawak at matinding paglabag sa mga karapatang tao sa nakaraan at maging sa kasalukuyan, ang isang kasunduan dito ay makakatulung sa kagyat na pagbibigay ng pinakamalaking lunas sa paghihirap ng mamayan kahit habang nagpapatuloy pa ang armadong tunggalian.
• Maaaring may makamit na mga pakinabang para sa mamamayan ang negosasyong pangkapayapaan, kahit hindi ito humantong sa isang komprehensibong kasunduan. Halimbawa, malaki ang benepisyong matatamo ng mamamayan kapag ipinatupad ang CARHRIHL.
(Nota: bahagi ng CARHRIHL ang sumusunod na mga probisyon na kagyat na dapat ipatupad ng GRP: indemnipikasyon ng mga biktima ng paglabag ng karapatang tao sa panahon ng diktadurang Marcos, pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal, pagtigil sa mga opensibang operasyong militar ng AFP at PNP, at pagpapawalambisa sa mga mapanupil na batas.)
• Gumaganap ng mahalagang papel ang kilusang masa sa pagsulong ng negosasyong pangkapayapaan.
Anumang kasunduan sa negosasyong pangkapayapaan na kapaki-pakinabang sa mamamayan, tulad ng CARHRIHL, ay tunay na mapapakinabangan lamang sa pamamagitan ng paggugumiit at pakikibaka ng mamamayan para sa kanilang mga karapatan. Kung hindi ipaglalaban ng mamamayan ang kanilang interes, mananatiling walang-halagang pirasong papel ang mga kasunduang ito.
Hindi naging posible ang pagpapanumbalik o resumption ng negosasyon kung hindi napatalsik ng higanteng daluyong ng kilusang protesta ang bulok na rehimeng Estrada na tumayong pangunahing balakid sa pagsulong ng usapang pangkapayapaan.
Mahalagang patuloy na maihayag ng mamamayan ang pagtutol nila sa mapagsamantala at mapang-aping sistema, para maidiin sa GRP at sa publiko ang pangangailangan sa mga saligang pagbabago.
Mahalagang mailantad ang pagtatangka ng gobyerno at ng ilang mga repormista at kontra-rebolusyonaryong grupo na palabasing ang gobyerno o ang mga grupong ito ang tunay na kumakatawan sa interes at mga kahilingan ng mamamayan. Binabalak ng GRP na magdaos ng mga “konsultasyon” diumano hinggil sa repormang sosyo-ekonomiko, ala-NUC noong 1992-93. Matatandaang sa mga konsultasyong iyon, pinalabnaw kundi man lubusan nilang pinagtakpan ang saligang mga suliranin ng lipunang Pilipino – ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo – at tinangkang palabasing ang mga ugat ng armadong tunggalian ay matinding kahirapan, di-pagkakapantay-pantay, kawalan ng katarungan, at mga katiwalian sa gobyerno (poverty, inequity, injustice, graft and corruption).
Kung susumahin, walang ibang landas tungo sa tunay na kapayapaan kundi ang pagpapatupad sa mga saligan at radikal na reporma sa lipunan. Hindi maaasahan ang kasalukuyang gobyernong Arroyo, na tulad ng mga nakaraang rehimen ay lantarang nagsisilbi sa interes ng mga dayuhan at ng iilang naghaharing uri, na ipatupad ang mga repormang ito. Makakamit lamang ito sa pamamagitan ng pakikibaka ng buong sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya, sa lahat ng maaaring porma at pamamaraan.