Inihanda ni Rey Casambre
Para sa Pulong ng BAYAN National Council
Oktubre 28, 2002
Sa unang tingin, may nagaganap na biglaan at malaking pagbabago sa mundo na nagsimula noong Setyembre 11, 2001. Mabilis at mabalasik ang mga pangyayari mula nang bombahin ang World Trade Center at ang Pentagon. Kagyat na nagdeklara si George W. Bush, Presidente ng USA, ng isang “digmaan laban sa terorismo” na diumano sasaklaw sa buong mundo at tatagos at ikasasangkot ng lahat ng bayan, nang walang pasubali. “Kung hindi kayo papanig sa amin, ituturing namin kayong kaaway,” ani Bush. Kagyat ding itinuon ng US ang pag-uusig sa sarili nitong mga mamamayang di nito mapagkatiwalaan. Ilang linggo pa lang ipinasa ng Kongreso ng US ang “Patriot Act” na sumusupil sa mga karapatang pantao ng mga Amerikanong pinaghihinalaan pa lamang na may kaugnayan sa mga diumanong mga terorista.
Wala pang isang buwan ang nakalipas, nilusob ng US ang Afghanistan nang walang pagsangguni man lamang sa United Nations. Simpleng ikinatwiran ang hinalang kinukupkop ng gobyernong Taliban ng Afghanistan ang pinaghihinalaang mga teroristang bumomba sa WTC at Pentagon, si Osama bin Laden at ang pinamumunuan nitong Al Qaeda. Matapos ang walang habas at walang habag na pambobomba at pag-atake maging sa mga sibilyan na populasyon at mga instalasyon, nagtagumpay ang US sa pagpapabagsak at pagpapalit sa gobyernong Taliban. Pero bigo ito sa idineklarang layunin na “dalhin sa hustisya, o dalhin ang hustisya, kay Bin Laden at Al Qaeda. Ngayon, ginagamit pa itong dahilan ng US para sa patuloy na pagpapanatili ng mga pwersang militar nila sa Afghanistan at mga kanugnog na bayan sa Central Asia.
Kasunod nito ang isinagawang pagtugis diumano sa Abu Sayyaf sa Pilipinas, sa likod ng balatkayong “Balikatan 02-1 joint combined exercises training”. Kaakibat ng deklarasyong ang Pilipinas at Timog-silangang Asia ang “ikalawang larangan” ng “gyera laban sa terorismo”, maramihan at matagalang lumahok ang US Special Operations Forces sa kampanyang militar laban sa mga Abu Sayyaf sa Basilan at iba pang bahagi ng Mindanao. Simpleng ikinatwirang mga terorista ang mga ito kahimat walang matibay na ebidensya ng tuwirang ugnayan sila kina bin Laden at Al Qaeda, liban sa katotohanang kapwa sila nilikha ng CIA bilang bahagi ng mga “surrogate forces” ng US. Muli, bigo ang US at AFP sa isinaad na layuning durugin ang Abu Sayyaf. Muli, ginagamit pa itong katwiran para sa patuloy na pagpapanatili sa ilang US Special Forces sa Mindanao diumano para tapusin ang mga “humanitarian & infrastructure projects” na sinimulan nilang gawin sa panahong tinutugis ang Abu Sayyaf.
Ngayon naman maingay na nagtatambol at naghahamon ang US para sa pakikipag-gyera kay Saddam Hussein ng Iraq. Bilang bahagi diumano ng “war against terror”, ang pagpapabagsak kay Hussein, pagpapaupo ng gobyernong maamo sa US, at ang pagwasak sa kakayahan ng Iraq na gumawa ng mga bombang nuclear at iba pang “weapons of mass destruction” ang inilalahad ng gobyernong Bush na layunin sa pag-atake sa Iraq. Pero di tulad ng digma sa Afghanistan, hirap ngayon ang gubyernong Bush na makakabig ng malakas at malawak na suporta para sa gyera sa Iraq.
Ito’y sa dahilang kung ihahambing sa paglusob nito sa Afghanistan, malayong higit nang nailalantad at kung gayon binabatikos ang tunay na layunin ng US sa paglusob sa Iraq: (1) ang mapalakas ang pampulitikang lakas nito sa Gitnang Silangan, at (2) ang pag-agaw at pagkontrol ng malaking rekurso sa langis na matatagpuan sa teritoryo ng Iraq.
Malinaw na mula Setyembre 11, nagkaroon ng ibayong paglakas at paglawak ng opensiba ng US sa larangan ng pulitika, ekonomya at militar. Dulot lang ba ito ng pambobomba ng Setyembre 11, tulad ng paniwala ng marami? Ang mga ito ba’y kontraopensibang tugon lamang ng US bilang paghiganit sa sinapit nitong trahedya sa kamay ng mga terorista, pagtatanggol sa sarili para hindi maulit ang kalunos-lunos na pangyayari, at responsableng pamumuno sa isang dakilang pandaigdigang kampanya laban sa terorismo para sa kaligtasan at pag-unlad ng buong daigdig?
Alam na natin ngayon ang sagot sa tanong na ito. May malilinaw na mga indikasyon at katunayang ang nabanggit na mayor na mga hakbang tulad ng Patriot Act, paglusob sa Afghanistan at mga pagbabago sa disposisyong militar matapos ang 9-11 ay napag-isipan at napaghandaang ipatupad ilang buwan o taon pa nga bago nangyari ang 9-11. Kung bubuin ang mga katunayan, at susuriin nang mas malalim, makikita ang katotohanang ang “gyera laban sa terorismo” ay isa lamang balatkayo para sa ibayo at walang-habas na opensibang pampulitika, pang-ekonomya, pangkultura at militar ng imperyalismong US para mapalawak at mapatatag ang pandaigdigang hegemonya nito.
Ang ibayong opensibang ito ay masasabing nagsimula noon pang nakaraang dekada kung kailan nagsibagsakan ang mga rehimen sa Silangang Europa at tuluyang gumuho ang Unyong Sobyet. Ang pagtatapos ng “Cold War” ang nagtulak sa US sa pusisyon bilang nag-iisa at walang-kasinlakas na superpower. Matatandaan nating namayagpag ang US noon at kagyat na inilunsad ang “globalisasyon” bilang mayor at masaklaw na opensiba sa ekonomya at ideolohiya.
Matatandaan din nating nagtapos ang “Cold War” sa panahong dalawang dekada nang nakabalaho ang pandaigdigang sistemang kapitalista sa papatinding krisis ng sobrang produksyon, na namamanipesta sa matumal na paglago ng mga ekonomya maging ng mga pinakamalalaking kapitalistang kapangyarihan. Para mapalakas ang pusisyon ng mga imperyalistang estado at ng monopolyo kapital, ipinataw sa mga mahihina’t maliiit na ekonomya ang neoliberal na mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon na nagpatindi ng pagsasamantala at pang-aapi sa higit na nakararami sa mamamayan ng buong daigdig.
Tinawag ito ni George H. Bush, Sr. bilang “New World Order” o “Bagong Kaayusan”. Pero sa katunayan ito’y dili’t iba kundi ang lumang kaayusang higit na naging magulo. Pinatunayan ng mahigit sampung taong pagpapatupad ng mga “neoliberal” na mga patakaran na hindi pa rin makaahon sa krisis ng sobrang produksyon ang pandaigdigang kapitalistang sistema, lalong lumubog sa kumunoy ng utang at depresyon ang maliliit at mahihinang ekonomya lalo na ng Ikatlong Daigdig, at nanatiling nakabalaho sa mababang antas na paglago ang mga makapangyarihang ekonomyang imperyalista. Kamakailan, pumasok sa recession ang mga ekonomyang US, Russia, Australia, Canada Japan at Germany. (review Pol’s charts). Kamakailan, pumutok ang “economic bubble” sa US, na likha ng matagal at malubhang artipisyal na pagpapalobo ng mga tubo at halaga ng mga transaksyon. Kabilang dito ang pinakagarapal at lansakang pandaraya at pagsisinungaling sa pagdeklara ng mga tubo ng malalaking monopolyong korporasyong Amerikano.
Dahil sa kagahulan ng panahon, ihahanay lamang natin ang ilang pinaka-signipikanteng mga katangian ng komprehensibong opensibang ito na nagtatago sa maskarang “gyera laban sa terorismo” at kung ano ang naging hugis nito mula noong Setyembre 11.
1. Sa larangan ng pulitika:
- ang pagtatangkang hatiin ang mundo sa pagitan ng “terorista” at “kontra-terorista” samantantalang arbitraryo at tusong inihanay na “terorista” at pinagmumukhang-demonyo ang mga matatatag at epektibong anti-imperyalista tulad ng CPP-NPA at si Prop. Sison;
- pagpapatindi at pagpapalawak ng mga mapanupil at pasistang hakbang tulad ng Patriot Act, pagbubuo ng mga sekretong military tribunal para sa pag-usig at paglitis sa mga diumanong pinaghihinalaang terorista, at paghikayat o pagtulak sa mga kliyenteng estado na magpatupad ng katumbas na mga batas at hakbang sa iba’t ibang bayan;
- paglalagay ng sarili sa ibabaw ng ibang mga bansa; paglabag sa soberanya at territorial integrity ng mga bansa maisagawa lamang ang pakay ayon sa makitid na sariling interes, e.g. ang itinutulak ng US na anti-teroristang tratado sa Timog-silangang Asya kung saan pinaaalis nito ang mga probisyong nangangalaga sa soberanya ng mga bansa
- tahasang pagdeklara na maaari nilang tanggalin at palitan ang sinumang head of state nang ayon sa kagustuhan at interes ng US (tingnan ang QDRR 2000 at ang talumpati ni Bush sa West Point)
- paglagay sa sarili sa ibabaw ng United Nations, ng internasyunal na batas at internasyunal na makataong batas;
- paglabag sa probisyon ng UN Charter hinggil sa mga kondisyon sa paggamit ng dahas o digma (self-defense when under attack, exhaustion of diplomatic means, multilateral peace-enforcement action decided on by Security Council)
- paggamit ng resolusyon ng UN bilang lisensya sa pagdigma (eg Reso 678 vs Iraq)
- paggawa ng mga hakbang na tahasang nagbubunga ng paglabag sa makataong karapatan, pagtanggi na mapailalim ang tropang US sa ilalim ng mga Kasunduan at international norms na nagtatanggol sa mga karapatang pantao, halimbawa:
- pagtutulak na ideklara ng ibang bayan na “terorista” ang mga itinuturing ng US na terorista batay sa sarili nitong depinisyon
- pagsasantabi o pagbabalewala ng mga probinsyon laban sa political extradition (ekstradisyon sa dahilang political)
- kampanya laban sa ratipikasyon ng Rome Statute at pagtatatag sa ICC at nagbibigay dito ng mandato at kapangyarihan, at pagbuo ng mga bilateral na kasunduang epektibong magsasawalamisa sa ICC.
2. Sa larangan ng militar
- ang pagpapalakas ng “permanently stationed”, “forward stationed” at “forward deployed” na mga pwersa sa iba’t ibang rehyon ng daigdig (QDRR 2001);
- pagbanta ng “preemptive strike” o “first strike”, kasama ang banta ng paggamit ng sandatang nuclear
- paggamit ng mataas na teknolohiya para sa intelligence and surveillance, mas malalakas, mabisa at mapanirang mga sandata at munisyon tulad ng mga deep-penetration incendiary bombs, cluster bumbs, etc. na naglalayon diumanong magbigay ng maririin at pamatay na dagok sa kaaway nang may minimal na kaswalidad sa mga tropang US, pero sa kalakaran ay nagdudulot sa mga sibilyan ng ng malalaking pinsala at pagkasalanta na manhd na tinatawag lamang na “collateral damage”
- ibayong paggamit ng mga Special Operations Forces na may kasanayan, kakayahan at atas na magsagawa ng intelligence & surveillance, “foreign internal defense operations”, pag-oorganisa ng mga katutubo para sa kontra-insurhensya, at mga lihim na misyon tulad ng sabotahe, asasinasyon, pagdukot (abductions) kung saan “hindi maaaring aminin ng gobyernong US ang pagkasangkot dito”
- pagsasanay-militar ng mga lokal na pwersang panagupa sa iba’t ibang dako at bayan
- 100,000 tropang dayuhan ang sinasanay ng US taun-taon sa US at 180 bansa
- isa itong paraan ng forward deployment — sa bawat linggo, may idinaraos na pagsasanay ang 5,000 US-SOF sa 60 bansa sa buong mundo
- noong 1997-98, nagdaos ng mga pagsasanay sa Turkmenistan
- pagsasanay-militar ng mga lokal na pwersang panagupa sa iba’t ibang dako at bayan
3. Sa larangan ng ekonomya
- pagtiyak sa kontrol sa mga estratehikong rekurso lalo na ang reserba ng langis
- paghahanda at paglunsad ng digma para makatulong sa pag-ahon mula sa krisis at pagkamal na mas malalaking tubo ng mga korporasyon sa “military-industrial complex”
- pagsusulong ng mga “neoliberal” na mga patakaran ng globalisasyon
- pag-bailout sa mga malalaking monopolyong nalulugi bunga ng pagputok ng “economic bubble” ng artipisyal at dinayang mga “tubo” at transayson
4. Sa larangan ng ideolohiya at kultura
- pagpapalitaw na ang US ang sentro at pinagmumulan ng kalayaan, demokrasya, katarungan, kasaganaan, etc at kung gayon siyang may solong kakayahan at karapatang maging “tagapagtanggol” nito sa buong mundo
- pagpapalaganap sa “kabutihan” at superyoridad ng neoliberalismo, globalisasyon at ng kapitalismo bilang “dulo ng kasaysayan”
- pagsasa-demonyo sa mga kaaway ng imperyalismo bilang mga “rogue states”, “axis of evil”, “terorista”, etc.
Mga Pangunahing Punto:
- Malinaw na napapatunayan ang pagsusuri na imperyalismo ang pinagmumulaan ng digmaan at ng banta ng digmaan. Nangangahulugan ang imperyalismo ng digma.
- Bago pa man nangyari ang 9/11 o ang pambubomba sa WTC at Pentagon, puspusan nang naghahanda ang US sa paglulunsad ng mga gyera ng agresyon, ng malawak at masinsing interbensyong militar sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, na ang layunin ay palawakin at patatagin ang hegemonya nito, ang kanyang imperyalistang dominasyon at paghahari sa buong mundo.
- Katangian ng “gyera laban sa terorismo”:
- mas matindi at malawak na paggamit ng terorismo ng estado ng US at mga alyado nito
- lansakang pagbalewala at paglabag sa mga internasyunal na batas
- lansakang pagbalewala at paglabag sa karapatang pantao
- lansakang pagbalewala at paglabag sa internasyunal na makataong batas
Kongklusyon
Mga kasama! Noong 1998, binigyan ninyo ako ng pagkakataon at tungkuling talakayin sa Pambansang Kongreso ng BAYAN imperyalistang globalisasyon. Binanggit ko noon na may ispesyal o natatanging papel na ginagampanan ang Pilipinas sa paglitaw ng globalisasyon sa mundong ito: na kasaba ng “pagtuklas” ni Magellan sa ating mga isla, napatunayan niya na ang mundo ay hindi isang malawak na kapatagan kundi isang globo. Higit pa rito, natuklasan ni Magellan ang bagong mga ruta ng kalakalan – trade routes – mula sa “Old World” tungo sa “New World” ng Americas at sa Asya. Ito ang isa sa mga nagbunsod ng tinatawag na “primitive accumulation of capital” na naging daan sa paglakas ng kapitalismo sa Europa hanggang sa maging dominanteng sistemang pang-ekonomya ito sa buong mundo.
Kung babalik-aralan ang nakaraang siglo ng pag-iral at pag-unlad ng imperyalismo, lalo na ang imperyalismong US, makikita rin an ng kahalagahan ng Pilipinas sa pag-unlad at paglakas nito. Mistulang isang laboratoryo at “pilot project” ang Pilipinas sa paglikha, pagpapaunlad at pagkikinis ng mga kolonyal at neokolonyal na mga pamamaraan nito, tulad ng paggamit ng dalawahang-taktika ng dahas at panlilinlang. Malinaw din ang kahalagahan ng Pilipinas sa US bilang “outpost” para sa ekspansyon at dominasyon sa Asya. Sa larangan ng militar, matagal na nagsilbi ang Pilipinas bilang forward base, likuran, at lunsaran ng mga aksyong pulitiko-militar ng US . Ipinapaliwanag nito kung bakit at papaanong nagiging mapagpasyang salik ang US sa pulitika, ekonomya, kultura at patakarang panlabas ng Pilipinas.
Sa kabilang banda, narito rin sa Pilipinas ang isa sa pinakamalakas, tumpak at mabisang anti-imperyalistang kilusan sa mundong ito. Maningning at dakila ang kasaysayan ng mamamayang Pilipino sa pagtutol at paglanban sa dayuhang pananakop at dominasyon. Sa kasalukuyan, kinikilala ang rebolusyonaryong kilusang mapagpalaya sa Pilipinas bilang isa sa mga nasa unahan ng anti-imperyalistang kilusan sa buong mundo, at makabuluhang umaambag dito.
Sa mga dahilang ito, malaki ang tungkulin nating suriing mabuti ang mga implikasyon ng pandaigdigang kalagayan, lalo na ang kasalukuyang “gyera laban sa terorismo”, sa lipunan at pakikibaka dito sa Pilipinas. Kaalinsabay nito ang pagkakaroon ng Pilipinas sa kasalukuyan ng isang sagadsarin at sunud-sunurang gobyerno na walang kahihiyan at walang katulad sa pagiging sipsip sa US. Kailangan din nating isaalang-alang ang malalim pang atrasadadong kolonyal na mentalidad ng malawak na bilang ng mamamayang Pilipino.