Welcome to the

Philippine Peace Center

Online!

 Home | Global Peace | Peace Negotiations | ILPS Commission on Peace | Articles | Publications | Photo Gallery | Pilgrims for Peace

 

 

Harapin at lutasin ang mga ugat na dahilan ng armadong tunggalian!
 

Ibinahagi ng Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas
Sa Paglulunsad ng KAPAYAPAAN | July 15, 2014

(Dongdong-ay sidong ilay isinalidumma-ay, dongdong-ay sidong ilay, insinalidumma-ay)


Khawis ay agew ken chatako am-in. Magandang umaga po sa ating lahat. Ako po si Piya Macliing Malayao, isang katutubong Bontoc-Igorot mula sa Cordillera.


Ang kasaysayan ng mga katutubo sa Cordillera ay isang mahabang kasaysayan ng tunggalian at kapayapaan. Marunong kaming mabuhay nang mapayapa at matiwasay. Ito ang aming palagiang mithiin. Subalit batbat din ng sigalot at pakikidigma ang aming mga lipunan. Una, sa pagitan ng magkakaibang tribo na pana-panahong nasasadlak sa kung anu-anong away at digma. Sa kabila nito mayroon ding mga "Budong at Pagta" – mga kasunduang pangkapayapaan o “peace pacts” na nagdudulot ng pansamantalang mapayapa at masaganang pamumuhay.


Pagdating ng mga banyagang Espanyol, tinangka nila pero hindi sila nagtagumpay na lupigin kami sa kabila ng kanilang superyor na mga sandata. Tinangkang nilang agawin ang aming mga sakahan at uma (mga payew) at tinagurian kaming mga "minorya", trinato kaming mga atrasado at di-sibilasado na wari ay mas mabababang uri ng hayop. Nang ipagtanggol namin ang aming mga sagradong lupa, ang aming kultura at ang aming mga buhay, ginamitan kami ng dahas at binansagang "headhunters", "savages", mamamatay-tao, at mga bandido sa sarili naming mga lupain.


Dumating ang mga Puting Banyagang misyonaryo na ang dala'y Krus at Bibliya at mga salita ng Diyos. Matingkad ang kanilang panghihikayat at pangako ng kaunlaran, ng panibagong kabuhayan at pakikibahagi sa yamang idudulot ng mga gintong mahuhukay mula sa aming ga lupain sa tulong ng kanilang modernong makinarya at teknolohiya. May kasabihan sa amin, "When the Americans came, all they had was the Bible, while we had all the gold. Now, they have all the gold, and all we have is the Bible." Sa kabilang banda, dala din nila ang parehas na dahas kasama ng panlilinlang. Nakamarka sa aming kasaysayan ng karanasan ang kanilang panunupil bagamat hindi ito madalas nababanggit sa mga nakasulat na kasaysayan ng ating bansa.


Paglaon, dumating ang iba pang dayuhang pilit kaming pinalilikas mula sa aming lupang ninuno para magtayo ng dambuhalang mga dam at minahan, di-umano sa ngalan ng kaunlaran. At nang kami ay tumanggi at lumaban, muli ginamitan kami ng dahas mismo ng gobyernong kinilala at inakala naming tagapamuno at tagapagtanggol. Namulat kami sa katotohanang inaapi at pinagsasamantalahan kami hindi pangunahin ng mga “tagapatag” sa pangkalahatan, kundi ng mga Puting banyaga na nakikipagkutsaba sa mga lokal na naghahari-harian, at maging sa ilang mga pinuno ng aming tribu na naakit sa mga pangako ng mga banyaga at naging mga tau-tauhan nila. Ang kasaysayan namin, mula noon ay naging kasaysayan ng pakikibaka laban sa dahas at panlilinlang upang makalaya mula sa pagsasamantala at pang-aapi.


Di-kalaunan napagtanto naming hindi lamang kaming mga Igorot sa Cordillera ang dumaranas ng ganoong pagsasamantala at pang-aapi sa mga dayong tagapatag. Gayundin pala ang karanasan at suliranin ng mga Agta at Dumagat sa Sierra Madre , mga Ayta sa Gitnang Luzon, mga Mangyan ng Mindoro, mga Bugkalot, Aggay at Kalanguya ng Cagayan Valley, mga Palaw’an, Batak at Tagbanua ng Palawan, mga Tumandok at Ati ng Panay at mga Lumad at gayon din ang mga Moro sa Mindanao. Tulad namin, sila ay dumanas din at ng diskriminasyon, pag-aalipusta at pagtataboy mula sa mga lupain ng kanilang mga ninuno. Tulad namin, natuto din silang lumaban at namulat kung sino ang tunay nilang mga kaaway at sino ang tunay na kaibigan. Kaya’t kaming mga katutubo ay natutong magbuklod sa mga samahang katutubo tulad ng KAMP at KATRIBU.


Sa patuloy na pakikipagkaisa at pakikibaka para sa aming mga kolektibong karapatan at para sa kinabukasan ng aming mga salinlahi, namulat rin kami sa katotohanang hindi naiiba sa esensya ang karanasan at suliranin naming mga katutubong mamamayan sa karanasan at suliranin ng mga tinawag naming mga “tagapatag”. Na ang guhit na nagbubukod o nag-iiba-iba sa interes at kagalingan ng mga mamamayan ay hindi ang mga matatarik na bundok, malalawak na ilog o masusukal na gubat. Kundi, ang usapin ng pagiging mapagsamantala o pinagsasamantalahan, mang-aapi o inaapi.


Natuklasan naming hindi lamang ang mga katutubo ang dumaranas ng kahirapan, kawalang-hustisya at kawalan ng kalayaan sa kamay ng mga mapagsamantala at mapang-api. Gayundin ang mga magsasaka na bumubuo ng malaking mayorya ng ating mamamayan laluna sa kanayunan; ang mga manggagawa na nagpapatakbo ng mga empresa at paggawaan sa kalunsuran; ang mga kabataang pinagkakaitan ng edukasyon at iba pang saligang serbisyong panlipunan; ang kababaihang dumaranas ng karagdagang pang-aapi at diskriminasyon bunga ng mababang pagtingin sa kanila at mababang katayuan sa lipunang malapyudal; ang mga propesyunal na hindi magkamayaw sa paghahabol sa sumisirit na mga presyo ng bilihin samantalang nakapako ang kanilang sahod at propesyunal na kita.


Sa proseso ng sama-samang pakikibaka at sama-samang pag-aaral at bahagihan ng karanasan at kaalaman, higit na nagiging malinaw sa ating lahat na nabibigkis tayo kapwa ng mga salot na umuuk-ok sa ating kabuhayan at pamumuhay at ng sama-samang pakikibaka natin para magkaroon ng kaganapan ang ating mga pangarap. At sa pagtuklas namin nito, nakatuklas kami ng ibayong lakas, tapang at kumpiyansa para magpunyaging makamit ang minimithing kapayapaan, kaunlaran, at hustisya – sa pamamagitan ng lakas ng pagkakaisa ng lahat ng mamamayang naghahangad nito.


Kung mayaman sa tunggalian ang ating kasaysayan, mayaman din ito sa mga pamamaraan at arena ng pakikibaka para sa pagkamit ng kalayaan, katarungan at kapayapaan. Sa kasalukuyan, naipaglalaban ng mamamayan ang ating mga karapatan, kahilingan at kagalingan sa iba’t ibang arena. Tampok na ang mga lumalahok sa armadong paglaban para ibagsak ang nakikita nilang mapang-api at mapagsamantalang sistemang panlipunan. Naririyan din tayong nagmamartsa at namamahayag sa mga lansangan upang maipaabot sa nakararami ang katotohanan sa kalagayan at direksyon ng ating lipunan. Naririyan ang pakikibaka sa loob ng Kongreso para maipaabot sa mas marami ang ating mga pagsusuri at paninindigan, at sa loob ng mga korte para ipaglaban at ipagtanggol ang mga karapatan ng mga inuusig at ikinukulong mula sa mga gawa-gawang kaso at reklamo. Naririto naman ang usapang pangkapayapaan kung saan tinatangkang makamit ang isang makatarungan at matagalang kapayapaan sa pamamagitan ng negosasyon para sa isang Kasunduang Pangkapayapaan.


Ngayong umaga, nagsama-sama tayo para manawagan sa GPH at NDFP na Manumbalik sa Usapang Pangkapayapaan! (Resume Peace Talks!) at Igalang lahat nang Kasunduan! (Honor All Agreements!). Tunay na napakalaking bagay kung papakinggan at tatalima ang dalawang Partido sa ating dalawang panawagan. Pero mangyari man ito, matitiyak na ba natin ang ating nilalayon? Matatamasa na ba natin ang Tunay na Kapayapaan, Kapayapaang matagalan dahil may katarungan?


Hindi, mahal na mga kasama’t kapatid. Hindi makakasapat na magkaroon lamang ng Usapang Pangkapayapaan at hahantong na ito sa isang Kasunduang Pangkapayapaan, isang Peace Pact o Peace Agreement at igagalang at ipatutupad ito ng dalawang Partido. Matuto tayo mula sa karanasan ng mga katutubo, at ang mga Bangsamoro. Nagkaroon na sila ng tatlong Peace Agreement sa gobyerno pero patuloy pa rin ang armadong tunggalian. Ito ay dahil hindi nalulutas ng Kasunduan ang ugat na dahilan ng tunggalian -- ang pagkilala at pagtamasa sa karapatang magpasya-sa-sarili, o ang right to self-determination. Ito ang hindi maitatatuwa at hindi maipagkakailang palatandaan kung ang usapang pangkapayapaan ba ay magdudulot ng isang matagalang kapayapaan o hindi: hinaharap ba at nilulutas ang mga suliraning ugat ng armadong tunggalian? Do the peace talks and the peace agreements address the roots of the armed conflict?


Sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GPH at NDFP, ang kahirapan at karalitaan, ang kawalang ng sapat na lupa ng mga magsasaka, kawalan ng mga industriya at kawalan ng trabaho para sa mga manggagawa, mga neoliberal na patakarang pang-ekonomya na bumabangga naglalako at nagsusuko sa ating pambansang patrimonya at soberanya, ang kawalang pagkilala at pagrespeto sa karapatan sa lupang ninuno at sariling pagpapasya, ang mga ito ang ilan sa mga dapat pagusapan at tugunan.


Ating igiit: Palayain ang sambayanan mula sa dominasyon at kontrol ng dayuhang interes, ng dayuhang kapital, ng mga dayuhang tropa at kagamitang pandigma! Itayo ang mga pambansang industriya para makalikha ng sapat na trabaho, sapat na yamang panlipunan, at sapat na mga produktong pangangailangan ng mamamayan! Palayain ang mga magsasaka mula sa pagsasamantalang pyudal at malapyudal, ilunsad ang tunay na reporma sa lupa at ipamahagi nang libre sa magsasaka ang lupang kanilang sinasaka! Libreng edukasyon para sa Kabataan! Serbisyong sosyal para sa mamamayan! Itigil ang militarisasyon sa kanayunan! Itigil ang extra-judicial killings at ang impunity sa paglabag sa mga karapatang tao... Ilan lamang ito sa mga panawagang ilang dekada kundi siglo nang naghuhumiyaw ng katuparan. Ang mga ito ang pagsikapan nating isulong na mailagay sa agenda, matalakay sa usapang pangkapayapaan laluna sa usapan hinggil sa mga sosyo-ekonomikong reporma. Maksimisahin ang ambag natin sa pagpapalaman at pagpapayaman sa mga diskursong ito, at itulak natin ang mgaito tungo sa makabuluhang mga Kasunduan na naglalaman ng mga saligang reporma sa ating lipunan.


Matago-tago tako! Mabuhay ang mga mamamayang tapat na naghahangad na tugunan ang ugat ng armadong tunggalian.


(Ellalay lilalay lilalay la ella ellalay)


Maraming salamat po.
 

 

 

 

 

Google

About Us

Contact Us

Links

 

 

Photos used in this site were taken from Google, Yahoo, Bulatlat, Arkibong Bayan